Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, iniharap ng mga opisyal ang suspect na kinilalang si Dante Ambo at Danny Boisan na nasamsaman ng improvised explosive device, MK2 hand-grenade at detonating cords na may blasting caps.
Nabatid na ang suspect ay nasakote sa kanilang pinagkukutaan sa Maharlika Village, Taguig, Metro Manila kamakalawa dakong 6:20 ng umaga.
Ang raid ay isinagawa sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Benjamin Pozon ng Metropolitan Trial Court Branch 74 ng Taguig, Metro Manila.
Sinabi ni PNP-CIDG Chief P/Director Eduardo Matillano na inamin ni Boisan matapos itong isailalim sa masusing tactical interrogation na sila ang responsable sa pambobomba sa nasabing sinehan noong Mayo 21, 2000.
Nasawi sa insidente ang isang janitor habang marami pa ang nasugatan kung saan, ayon kay Matillano ay lumilitaw na ang naganap na pambobomba ay sampol pa lamang sa malagim na Rizal day bombing na ikinasawi ng 20 katao habang kulang-kulang pa sa 100 ang nasugatan noong Disyembre 30, 2000. Ang malagim na insidente ay kagagawan umano ng puganteng si Indonesian terrorist Fathur Rohman Al-Ghozi at ng mga kaalyado nitong lokal na terorista sa bansa.
Ikinanta pa ni Boisan na ang pambobomba sa SM Megamall ay isinagawa ng kanilang grupo sa kautusan na rin ni Ustadz Nabil Panayaman, umanoy isang Commander ng MILF na ipinadala sa Metro Manila upang maghasik ng karahasan.
Lumilitaw pa na isinagawa ang pambobomba para takutin at itaboy ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa. (Ulat ni Joy Cantos)