2 karnaper patay sa shootout

Dalawang karnaper ang namatay makaraang makipagbarilan sa mga tauhan ng Traffic Management Group (TMG), kahapon ng umaga sa Quezon City.

Nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan sina Roberto Gonzales, 23, ng #26 Protacio St., Pasay City at Gonzalo Peralta, 24, ng #56-A Tayabas St., Tondo, Maynila.

Batay sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling-araw sa #25 Biak-na-Bato St., Brgy. Sto. Domingo, QC.

Namataan ng mga tauhan ng TMG ang kotseng Nissan Sentra na may plakang TSL-371 na minamaneho ng mga suspect sa Quezon Avenue na isang hot car.

Sinundan ng mga pulis ang kotse hanggang sa umabot sa Biak-na-Bato St. at mapansin ito ng mga suspect.

Agad na nagpaputok ang mga suspect na naging dahilan ng pagganti ng putok ng mga pulis.

Nakuha sa mga suspect ang .38 at .45 kalibre ng baril at isang pares ng plate number ng kotse na WCR-703. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments