Ayon kay AFP Vice Chief of Staff Lt. Gen. Rodolfo Garcia, ang tatlong ISAFP agents na nakilalang sina Sgt. Antonio Cruzado, Sgt. Guillermo Ronquillo at Sgt. Teodoro Bernal ay nasa bisinidad ng opisina ni Jinggoy sa 82 Lt. Arciaga St., San Juan kaugnay sa isinasagawang follow-up operation sa mga personalidad na hinihinalang may kinalaman sa nabigong kudeta ng Magdalo Group na sumakop sa Oakwood Hotel sa Makati City.
Nabatid na napilitang palayain ng mga pulis ang tatlong agents sa kautusan umano ni PNP Chief Director General Hermogenes Ebdane bagay na matinding ikinagalit ni Jinggoy na naghinalang tataniman umano sila ng ebidensiya tulad na nangyari kay dating Undersecretary Ramon Cardenas.
Ang operasyon ay nagbunsod ng may makuhang pito hanggang walong resibo ng mga biniling appliances sa SM Megamall na nagkakahalaga ng P63,000 na nakapangalan sa isang Joel Gamboa at ang address ay sa nasabing lugar na nagkataon naman pala na pag-aari ni Jinggoy.
Ang Room 1805 ay ginawang command center ng mga nag-aklas na sundalo.
Samantala, hinamon ng Department of Justice (DOJ) ang mga tauhan ng San Juan Police na patunayan ang napabalitang may mga ahente ng ISAFP ang nahuli dahil sa pagtatangka ng mga ito na taniman ng ebidensiya ang opisina ni dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada.
Ayon kay DOJ Assistant Chief State Prosecutor Nilo Mariano, kung may katotohanan ang nasabing balita ay dapat na magsampa na reklamo ang San Juan Police laban sa mga nasabing ISAFP agents.
Aniya, sa ganitong paraan ay makakapagsagawa ng imbestigasyon ang DOJ upang mapatawan ng kaso at parusa ang mga sangkot na tauhan ng militar. (Ulat nina Joy Cantos at Grace dela Cruz)