Ang akusado ay nakilalang si Romeo Datu, ng Tawi-Tawi St., Barangay Sta. Lucia, Pasig City. Bukod sa tatlong bitay, pinagbabayad din ito ng korte ng halagang P125,000 bilang danyos sa ginahasa niyang anak na itinago sa pangalang Joan.
Sa walong-pahinang desisyon na inilabas ni Judge Alex Quiroz, ng branch 156 ng Pasig RTC, napatunayang pinagsamantalahan ni Datu ang kanyang dalawang anak na babae, isa nga rito ay kanya pang naanakan.
Sa rekord ng korte, unang ginahasa ng suspect si Joan noong Marso 28, 1994 noong ito ay 15-anyos pa lamang.
Pinaalam umano ng biktima sa kanyang ina ang ginawang panghahalay ng ama, subalit sinabihan lamang siya nito na huwag nang ipaalam sa iba dahil sa ang suspect lamang umano ang bumubuhay sa kanila.
Nabuntis si Joan at nagkaanak ng lalaki at pagkatapos nito ay ilang ulit pa rin siyang ginahasa ng kanyang ama at hindi na niya nagawa pang magsumbong dahil sa awa sa ina.
Gayunman, nang malaman ni Joan na maging ang kanyang nakababatang kapatid ay pinagsamantalahan din ng akusado ay doon na siya napilitang magharap ng reklamo at ipinahuli ang rapist na ama. (Ulat ni Edwin Balasa)