Sinabi ni Paguia na dapat parusahan ng korte si PNP Chief Supt. General Prospero Noble Jr. dahil inalis nila sa VMMC si Estrada kahit na walang utos mula sa korte.
Ang paglilipat ay naganap kamakalawa ng alas-10 ng umaga sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng mga abogado ni Estrada at maging ng anak nitong si dating San Juan Mayor Jinggoy Estrada.
Naniniwala si Paguia na isang masama at mapanganib na precedent ang ginawa ng mga tauhan ng PNP dahil nilabag nito ang constitutional rights ni Estrada at maging ang tamang proseso ng batas.
Dahil ilegal aniya ang ginawang paglilipat kay Estrada, napilitan ang mga miyembro ng PNP na ibalik si dating pangulong Estrada sa VMMC bandang alas-3 ng hapon.
Wala aniyang dokumentong hawak ang mga tauhan ng PNP sa pangunguna ni Noble nang gawin ang paglipat kay Estrada at hindi rin nila maipaliwanag ang kanilang ginawa kaya dapat lamang silang parusahan ng korte. (Ulat ni Malou Escudero)