Personal na humingi ng tulong kay WPD director Chief Supt. Pedro Bulaong ang mag-live-in partner na sina Robert Ong, 25 ar Marites Lleanas, 19 ng Taft Avenue, Pasay City upang maireklamo sina Inspector Joselito Binayug; SPO2 Marcelino Estabaya Morales Jr.; SPO1 Alejandro Sanchez; PO2 Roel Yalung; PO1 Emerson Soliven Riosa; PO1 Alexis Cabbady at dalawa pang hindi nakikilalang pulis.
Base sa sumbong ng mga biktima dakong ala-1 ng hapon noong Hunyo 22 ng dumating sa kanilang tindahan ng cellphone sa C.M Recto, Maynila ang isang Zenaida delos Reyes na nagpanggap na kostumer.
Kaagad itong umorder ng may 90 piraso ng ibat ibang model at nag-down ng halagang P10,000 sa pakiusap na ibibigay ang kabuuang bayad kapag naideliber na sa kanyang puwesto ang mga unit.
Kinabukasan ay tumawag ito sa dalawa at sinabing dalhin na sa kanya ang mga inorder na cellphone.
Pagdating nila sa sinabing lugar ay wala naman ang sinasabing puwesto ni Zenaida at ang sumalubong sa kanila ay mga armadong kalalakihan.
Unang dinala si Ong sa isang nakaparadang van. Sa salaysay ni Ong dinala umano siya sa Station 3 ng WPD kaya niya nalamang mga pulis ang kumuha sa kanya.
Sa loob ng presinto inilabas ng mga suspect ang isang bulto ng shabu at sinabing sa kanya ang shabu.
Kinuha rin ng mga pulis ang dalang bag ni Ong na doon nakalagay ang mga cellphone at P18,000 cash. Inatasan din si Ong na tawagan si Marites at magdala pa ng maraming cellphone kapalit ng kalayaan nito. (Ulat ni Gemma Amargo)