Ayon kay Jocelyn Calisaan, ina ng sanggol na pinangalanang Jobel, hindi na nag-response ang katawan ng kanyang anak na inilagay sa incubator sa Fabella General Hospital.
Naging maramdamin din ang pagkamatay ng sanggol dahil inaasahan ng mga manggagamot na makakaligtas ito sa kamatayan dahil lumakas pa umano at nagpakita ng kakayahang mabuhay bago tuluyang pumanaw.
Nabatid na dakong alas-11 ng gabi nang tuluyang bumigay si Jobel at ngayoy nakalagak ang bangkay sa Floresco Funeral Homes, Caloocan City.
Dahil sa pangyayaring ito, lalo namang nagpursige ang pamilya ng quadruplets na ituloy ang laban sa pamunuan ng Manila Central University Hospital (MCUH) na sinisisi sa pagkamatay ng mga sanggol.
Napag-alaman na nakatakdang lumapit sa gobyerno ang pamilya Calisaan upang maparusahan ang pamunuan ng MCUH na nagkait sa quadruplets ng tamang medikasyon upang mabuhay ang mga ito. (Ulat ni Rose Tamayo)