Bitay hatol sa Chinese drug lord

Kamatayan ang naging hatol ng hukuman sa isang Chinese national matapos itong maaresto at makumpiskahan ng 1,743.276 gramo ng shabu noong Setyembre, 2002 sa Muntinlupa City.

Ayon kay Clerk of Court Atty. Luis Buncayon, base sa 10-pahinang desisyon ni Judge Norma Perello, ng Branch 276, Muntinlupa City Regional Trial Court, ang hinatulan ng bitay ay nakilalang si Michael Chang alyas ‘Shao Jia Cheng’, 30, ng Unit II, Corinthian Village, Posadas Ave., Brgy. Sucat ng lungsod na ito.

Sa rekord ng korte, ang akusado ay nadakip ng mga kagawad ng Western Police District (WPD) mismo sa tinutuluyan nitong condominium sa nabanggit na lugar noong September 15, 2002.

Bukod sa 1,743.276 gramo ng shabu, nakumpiska rin sa naturang dayuhan ang isang MP 5K 9mm assault pistol, walther P99 pistol at Heckler & Keck GMBH 9mm.

Nabatid na ang akusado ay pinayagan ng korte na magpiyansa ng P1M sa kabila na ang kasong kinakaharap niya ay ‘no bail recommended’.

Makalipas ang maraming buwan, hindi na dumadalo sa pagdinig ang akusado kaya’t binabaan ito ng warrant of arrest ni Judge Perello. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments