Taas pasahe binara ng LTFRB

Ibinasura nang tuluyan kahapon ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang petisyon ng transport groups na P1.50 pagtaas sa singil sa pasahe sa mga pampasaherong jeep sa bansa.

Ayon kay LTFRB Chairman Dante Lantin na hindi sapat ang basehan ng transport groups na kinabibilangan ng PISTON, FEJODAP, FERCODA AT PCDO-ACTO kung kaya walang dahilan upang aksiyunan nila ang petisyon.

Ang naturang petisyon ay ipinasa noong Setyembre ng nakaraang taon matapos ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng diesel.

Ipinaliwanag ni Lantin na halos nagkasunud-sunod din naman ang pagbaba ng presyo nito at halos nabawi na umano ang naganap na pagtaas ng presyo.

Isinang-alang alang din nila ang kapakanan ng taumbayan na labis na maaapektuhan sa hinihiling na pagtataas sa pasahe.

Samantala, sinabi naman ng transport groups na dapat tingnan rin ng LTFRB ang ibang bagay na nakapagpapahirap din sa kanila katulad ng pagtaas ng presyo ng mga piyesa ng mga sasakyan.(Ulat nina Angie dela Cruz at Edwin Balasa)

Show comments