Batay sa nakalap na impormasyon, dakong alas-8 ng umaga nang biglang magkaroon ng komosyon ang mga nasa unang baitang ng Cecilio Apostol Elementary School na matatagpuan sa kahabaan ng Samson Road, nasabing lungsod.
Ayon sa gurong si Juliet Sunio, kasalukuyan umano siyang nagtuturo sa kanyang mga estudyante nang bigla na lamang may napansin siyang gumagalaw sa bintana ng kanilang silid-aralan.
Nang titigan ng guro ang gumagalaw sa bintana ay nagulat na lamang siya nang makita ang sawa na tinatayang may habang 10 talampakan na papasok sa kanilang classroom.
Dahil dito, napilitang palabasin ng guro ang mga nagimbal na mag-aaral na nagresulta upang magkagulo ang buong paaralan habang papalabas ang nagulat ding sawa.
Agad namang tumawag sa himpilan ng pulisya ang mga guro upang maialis ang sawa sa kanilang paaralan ngunit pagdating ng mga awtoridad ay nakasalisi na ito palabas ng compound ng nasabing eskuwelahan.
May palagay ang mga guro na posibleng naligaw lamang ang sawa sa kanilang paaralan dahil sa tagal na ng pagkakatayo sa kanilang eskuwelahan ay ngayon lamang may nakitang ahas sa kanilang lugar. (Ulat ni Rose Tamayo)