Ayon sa National Constructors Association of the Philippines (NACAP) at Philippine Contractors Association (PCA) kailangan na nila ang bayad ng DPWH dahil wala na rin silang pondo na magagamit sa mga susunod pang proyekto.
Anila, minamadali sila ng ahensiya na agad na tapusin ang proyekto subalit hindi man lamang sila nababayaran ng buo.
Sinabi naman ni DPWH Comptroller Serafin Recta, ang accounts payable ng ahensiya ay tinatayang nasa P5.4 bilyon samantalang ang current accounts naman ay umaabot sa P3.7 bilyon na may kabuuang P9.1 bilyon.
Binatikos din ng mga contractor na ang P200 milyon na ipinangako ng DBM ay para lamang sa mga mambabatas at hindi para sa pambayad sa mga contractors na nalilimutang bayaran ng DPWH.
Bunga nito, nananawagan din ang mga contractors kay pangulong Arroyo na bigyang pansin ang utang ng DPWH sa mga contractors upang maiwasang mabaon sa utang ang mga legitimate contractor sa bansa. (Ulat ni Doris Franche)