Kaanak ni Mayor Lim kinatay

Patay na nang matagpuan ang isang 54-anyos na lalaki na sinasabing kamag-anak umano ni dating Manila Mayor Alfredo Lim at hinihinalang tinadtad ng saksak ng kanyang kainuman kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktimang si Conrado Lim, caretaker at residente ng Tullahan Road, Sta. Quiteria ng nasabing lungsod.

Tadtad ng saksak si Lim nang matagpuan sa kahabaan ng Apple Ville sa nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa dalawang suspect na nakilalang sina Reycan Tinedero at Jon-Jon Nabran na sinasabing huling kasama ng biktima bago naganap ang insidente.

Huling nakita ang biktima na kainuman ang mga suspect sa loob ng Heart Beat Videoke Eatery na pinagtatrabahuhan ni Lim hanggang sa mapagpasyahan ng mga itong umuwi.

Posible umanong pinatay ang biktima habang naglalakad pauwi. Bigla rin umanong nawala sina Tinedero at Nabran kaya malaki ang paniwala ng pulisya na may kinalaman ang mga ito sa naganap na krimen. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments