Ayon sa mga solon, dapat magsilbing aral sa iba pang mga artista ang sinapit ng aktres na isang taong hindi lalabas sa kanyang programang Star Talk sa GMA Channel 7.
Sa magkakahiwalay na panayam, sinabi nina Negros Occidental Rep. Apolinario Lozada at Tarlac Rep. Jesli Lapus na kapuri-puri ang naging hakbang ng KBP na nagpapakita ng kanilang pangil.
Ayon kay Lapus, marami nang TV hosts ang umaabuso sa kanilang pribilehiyo na sumisira sa moralidad ng lipunan.
Iniaapela na ng GMA Network Inc. ang desisyon kung saan kasama pa sa resolusyon ng KBP ang pagkansela sa loob ng isang taon sa membership privileges ng istasyon.
Nag-ugat ang suspensyon ni Osang sa panayam nito sa Star Talk kay Paolo Fabregas, anak ni Jaime Fabregas noong Oktubre 9, 1999.
Sinabi ni Osang ang ganito: "Don Jaime, matagal ko nang sinasabi sa iyo, kailangang malahian mo ako. Eto na po ang pagkakataong malahian".
Nanindigan ang KBP na bukod sa mga tanong na highly suggestive malaswa din ang naging aksyon ni Osang nang idikit nito ang dibdib sa mukha ni Fabregas.
Isang buwan nang hindi nakikita sa Star Talk si Osang na pansamantalang pinalitan ni Alma Moreno.
Nilabag umano ng aktres ang program standards ng Television Code ng KBP na nagbabawal sa mga salita, aksyon o mga gawaing may kabastusan. (Ulat ni Malou Escudero)