Kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng pulisya ang suspect na si Roberto Sedelicio ng Maahas St., Los Baños, Laguna.
Nakilala naman ang pinakahuling biniktima nito na si Christian Dominique Sanchez, 23, ng Summit Ville, Barangay Putatan, Muntinlupa City.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8 ng gabi sa ATM ng Bangco de Oro sa sangay nito sa Ayala Alabang sa nabanggit na lungsod.
Binanggit ng biktima na nag-withdraw siya ng P300 subalit hindi lumabas ang kanyang pera, gayunman nang tingnan niya ang resibo ay nabawas naman ito.
Mabilis siyang nagsumbong sa guwardiya at doon niya nalaman na madalas umanong mangyari ang ganon sa naturang machine.
Ilang sandali pa ay lumutang na ang suspect na nagpanggap na magwi-withdraw sa ATM subalit nahuli ito ng guwardiya sa aktong kinukuha ang isang supot sa machine na doon na-shoot ang pera na winithdraw ng biktima.
Nabatid na ang modus operandi ng suspect ay maglagay ng plastic bag sa ATM na siyang humaharang sa lumalabas na pera kung kaya walang nakukuha ang mga nagwi-withdraw dito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)