Naging pinakamatunog ang pangalan ni Go matapos na pamunuan nito ang isang kudeta ng mga national sports association (NSA) kay dating Philippine Olympic Committee (POC) President Christy Ramos-Jalasco noong taong 1999.
Ipinaglaban noon ni Go ang pagpapadala sa mga magagaling na mga atleta sa 1999 SEA Games na kabaligtaran sa programa ni Ramos na "have money will travel policy" kung saan makakasama ang mga atletang kayang suportahan ang kanilang biyahe para mapalaki ang contingent ng bansa.
Dahil sa naturang kudeta, napatalsik si Ramos sa POC at napalitan ni Celso Dayrit.
Unang nakilala sa larangan ng palakasan si Go noong 1990 Asian Games nang hawakan nito bilang manager ang basketball team ng bansa na nakakuha ng pilak na medalya kasunod ng powerhouse na China.
Naupo ito bilang pangulo ng PATAFA noong 1992 at naging pinakamatagal na opisyal nito hanggang sa kasalukuyan. Dito binuo ni Go ang kanyang sariling "GTKs Army" kung saan pinakamagandang nakopo nito ang siyam na gintong medalya noong 2001 sa SEA Games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Dito naabot ni track and field queen Elma Muros ang kanyang kasikatan habang nakilala rin ang kanyang mga bataan na sina steeple chase king Eduardo Buenavista at Lerma Bulauitan.
Nabahiran naman ng dungis ang pangalan nito noong taong 2001 matapos na mapaulat ang ginawang pang-aarbor umano kay dating Associate Justice ng Court of Appeals Demetriou Demetria sa nadakip na drug queen na si Yu Yuk Lai.
Dito lumitaw ang ibang mga ulat ng pagkakasangkot din ni Go sa iligal na operasyon sa droga na kanya namang matigas na pinabulaanan. (Ulat ni Danilo Garcia)