Mabilis na tumakas ang suspect na nakilalang si Ricky Lozada matapos ang isinagawang krimen.
Samantala, kapwa hindi na umabot pang buhay nang isugod sa Parañaque Community Hospital ang mag-amang biktima na nakilalang sina Antonio, 51, at Ronnie Devecion, 24, ng Palasan St., Barangay San Dionisio, ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ang mag-ama ng mga tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni SPO3 Odeo Carino, naganap ang insidente dakong alas-7:50 ng gabi kamakalawa sa may Palasan St., Barangay San Dionisio.
Nabatid na magkasamang nakatayo ang mag-amang biktima nang biglang sugurin at pagbabarilin ng suspect na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
Napag-alaman na may dati nang alitan ang suspect at ang matandang Devecion at posibleng paghihiganti ang motibo sa isinagawang krimen.
Patuloy pa ring sinisiyasat ang insidente.(Ulat ni Lordeth Bonilla)