Rambol: 1 patay, 1 grabe

Agad na nasawi ang isang 21-anyos na binata habang ginagamot ang isa pa matapos na masaksak sa rambol sa loob ng isang beerhouse kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Dead-on-arrival sa Quirino Hospital ang biktima na nakilalang si Patrick Salud, ng #2-B J. P. Rizal St. Brgy. Maunlad St. Proj. 4, Q.C. habang ginagamot naman sa naturan ding ospital si Leonel Lora, 18, waiter na nagtamo ng saksak sa tiyan.

Nakakulong naman ngayon sa CPD-Proj. 4 Station ang mga suspect na sina Dante Lasano, 22; Dexter Regaspi, 19; Roderick, 22 at Benjie de Lema, 21, pawang mga karpintero.

Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling- araw sa loob ng isang beerhouse sa Project 4.

Pumasok sa beerhouse ang apat na suspect na pawang lasing at nag-iingay.

Nabatid na naghamon pa ng away ang magkapatid na de Lema sa mga kostumer na noo’y nag-iinuman hanggang sa ipasya ng mga ito na umalis ng beerhouse dahil na rin sa takot.

Dahil dito, nagalit si Salud at binuhusan ng tubig ang apat hanggang sa mapikon ang mga ito at isa sa mga suspect ang bumunot ng patalim hanggang sa mauwi sa rambol.

Hindi naman naiwasan ng biktimang si Salud ang pananaksak ng isa sa mga suspect hanggang sa mahagip naman ng saksak sa tiyan si Lora habang umaawat. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments