Ito ang naging paninindigan ni Justice Secretary Simeon Datumanong sa kabila ng naging hatol ng Metro Mayors Council na ang lokal na pamahalaan na ang may karapatan sa traffic control sa kanilang mga nasasakupan.
Sinabi ni Datumanong na alinsunod sa MMDA Charter, nasa kapangyarihan ng nasabing ahensiya ang pamamahala sa batas trapiko, maging ang pag-iisyu ng mga traffic citation receipts (TCR).
Hindi rin maaaring mangibabaw ang isang botohan o napagkasunduang desisyon laban sa nilikhang batas para sa isang ahensiya.
Samantala, nilinaw pa ng DOJ secretary na hindi masama ang kanyang loob sa mga alkalde kung hindi man naigalang ng mga ito ang ipinalabas nilang DOJ legal opinyon.
Ang kanila umanong opinyon ay bilang tugon lamang sa naging katanungan ni MMDA Chairman Bayani Fernando na kung sino ang may karapatang mamahala sa batas trapiko sa buong Metro Manila.
Magugunita na tila napagkaisahan ng mga alkalde ang naging botohan na nag-aalis ng karapatan sa MMDA para mamahala sa batas trapiko.
Kabilang sa magiging bagong set-up, nasa kamay na ngayon ng mga alkalde ang pagpapatupad ng mga traffic rules at pagpapataw ng mga multa sa mga traffic violators sa kanilang nasasakupang lugar. (Ulat ni Grace dela Cruz)