Mag-utol niratrat patay

Nasawi ang magkapatid matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspect na isa dito ay namatay din matapos na makuyog ng taumbayan, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Patay na nang idating sa pagamutan ang magkapatid na biktima na sina Ebrahim, 45 at Almar Pagsidan, 47, pangulo ng TODA at kapwa naninirahan sa Sarmiento St., Barangay Sta. Monica ng nabanggit na lungsod.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-6 ng gabi ng maganap ang insidente sa mismong tapat ng bahay ng magkapatid na Pagsidan.

Napag-alaman na naglalakad ang magkapatid nang bigla itong pagbabarilin ng tatlong suspect sa hindi malamang dahilan.

Matapos ang pamamaril mabilis na tumakbo ang mga suspect subalit isa sa mga ito ay nasakote ng taumbayan. Pinagbubugbog ito hanggang sa mapatay.

Hindi pa nakikilala ang nasawing suspect.

Malaki ang hinala ng pulisya na may galit ang mga suspect sa biktima dahil sa pagiging mahigpit ni Almar bilang lider ng TODA sa kanilang lugar. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments