Ayon kay Malabon Mayor Amado "Boy" Vicencio, mananatiling suspendido ang klase habang hindi pa bumababa ang tubig baha sa kanilang lugar. Itoy upang maiwasan ang anumang sakuna, sakit at dadanasing hirap ng mga mag-aaral partikular na ang mga nasa elementarya.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa halos dalawang dipa ang lalim ng tubig-baha sa Malabon sa patuloy na pagbagsak ng malakas na ulan bukod pa sa pagtaas ng tubig dala ng high tide.
Nabatid pa kay Vicencio na mahigit sa 15,000 mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa kanyang nasasakupan ang naapektuhan ng pansamantalang suspensyon ng klase.
Sa kaso ng mga pribado, binanggit ni Vicencio na ang mga school administrator at principal ang magdedesisyon tungkol dito, bagamat kinakailangan pa rin umanong ipaalam sa lokal na pamahalaan anuman ang kanilang magiging hakbang. (Ulat ni Rose Tamayo)