2 kelot itinumba sa Quiapo

Dalawang lalaki ang kapwa nasawi matapos na pagbabarilin ng isang grupo ng kalalakihan dahil sa hinalang sigalot sa ilegal na droga, kamakalawa ng hapon sa lungsod ng Maynila.

Nakilala ang mga nasawi na sina Victor Puno, 23, at Orlando Cabuso, 40, kapwa residente ng Floridablanca, Pampanga.

Sa ulat ng WPD-Homicide Division, naganap ang krimen dakong ala-1:15 ng hapon sa panulukan ng Elisandes St. at Globo de Oro, Quiapo, ng naturang lungsod.

Ayon sa mga saksi, nagpapahinga ang dalawa sa naturang lugar at umiinom ng softdrinks nang isang grupo ang mga lalaki ang lumapit dito.

Walang sabi-sabing isa sa mga ito ang nagbunot ng baril at saka niratrat ang mga biktima.

Mabilis na nagsitakas ang mga suspect nang makitang duguan nang humandusay ang mga biktima.

Bagamat wala pang konkretong motibo sa krimen, malaki ang hinala ng pulisya na posibleng sigalot sa ilegal na droga ang maaaring dahilan ng isinagawang pagpaslang sa mga biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments