Nagnakaw ng halik, binoga sa dibdib

Isang 15-anyos na binatilyo na umano’y nagnakaw ng halik sa isang dalagitang Muslim ang binaril at napatay ng kapatid ng huli kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Ang biktima na nagtamo ng isang tama ng bala sa dibdib ay si Bandar Panadigan, binata, vendor ng Phase 1 Bagong Silang, Caloocan.

Ayon sa ulat ni PO1 Joselito Bagting, may hawak ng kaso, bandang alas-8 ng umaga ng barilin at mapatay ang biktima ng isang hindi nakilalang lalaki sa Muslim compound sa Phase 1 Bagong Silang.

Sinabi ni Sultan Sumail, isang Imam sa lugar, bago naganap ang insidente ay may hinalikan umanong dalagitang Muslim ang biktima sa nasabing lugar.

Nakita at ikinagalit umano ng kapatid ang ginawa ng biktima sa dalagita kaya kumuha ito ng baril saka pinaputukan sa dibdib.

Nakuha pa umanong makatakbo ng ilang metro ng biktima subalit duguan din itong bumulagta sa kalsada.

Wala namang sinuman sa lugar ang nais magsabi sa pulisya kung sino ang babaeng hinalikan ng biktima at ang suspect na bumaril kay Panadigan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments