Kinilala ni BI-NAIA head supervisor Ferdinand Sampol ang suspect na si Antonio Enrique Urera alyas Ricky, 39, binata, ng 70 Roxas Cuve Pacific, Alabang, Muntinlupa City.
Nakatakda sanang sumakay si Urera sa PAL flight PR-102 bandang alas-10 ng gabi ng ito ay masabat ng mga awtoridad.
Si Urera ay dating kaklase sa University of Sto. Tomas at matalik na kaibigan umano ng biktimang si George L. Kawachi, 36, binata, may-ari ng George Raymundo Pawnshop at residente ng 171 J.P. Rizal St., Maypajo, Caloocan.
Lumalabas sa ulat na dakong alas-9 ng gabi nang maaresto ang suspect sa NAIA nang magtangka itong lumipad patungong Estados Unidos.
Nakatanggap ng impormasyon ang Caloocan Police sa tangkang pagtakas ni Urera kaya agad na nakipag-ugnayan sa awtoridad sa NAIA.
Base sa rekord, noong Hunyo 8, dakong alas-8 ng umaga nang matagpuan si Kawachi na tadtad ng saksak sa katawan at naliligo sa sariling dugo sa loob ng kuwarto nito.
Nabatid na bago ang krimen, naiwan umanong mag-isa sa bahay ang biktima at may hinihintay na kaibigan at nabanggit nito ang pangalan ng suspect.
Mariing pinabulaanan ng suspect ang nasabing krimen. (Ulat nina Butch Quejada/Gemma Amargo)