Namatay noon din ang biktima na nakilalang si Santiago Francisco, alyas Jun, 37, ng Everlasting St., Botanical Garden Compound, Barangay Central, Quezon City. Naputol ang kamay at sabog ang mukha nito dahil sa lakas ng pagsabog.
Ginagamot naman sa East Avenue Medical Center ang isa pang biktima na si Hilcon Sarto, 36.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa mismong sa bahay ni Francisco.
Pinaalis muna umano ni Francisco ang kanyang mga kasama sa bahay at saka kinuha ang tinatagong granada para linisin.
Ilang minuto lamang ang nakalipas ay narinig na ang malakas na pagsabog at pagkatapos ay nakita na ang nakahandusay na mga biktima.
Kinuwestiyon din ng pulisya kung bakit mayroon itong granada sa bahay, samantalang ito ay simpleng seaman.
Ayon naman kay Brgy. Captain Ronnie Sicat, matagal na nilang minamanmanan ang mga kilos ni Francisco bunga ng ulat na may kinukupkop umano itong mga AWOL na militar.
Binanggit pa ng pulisya na tinitingnan din nila ang posibilidad na sangkot ang mga ito sa ilang insidente ng robbery sa ilang lugar sa Kamaynilaan. (Ulat ni Doris Franche)