Ang resulta ng drug test sa panibagong batch ng manlalaro ay kinumpirma ni PNP Crime Laboratory chief, Chief Supt. Restituto Mosqueda .
Gayunman tumanggi si Mosqueda na tukuyin ang pagkakakilanlan sa 14 na manlalaro na positibo sa confirmatory drug test ng PNP dahilan pawang coded umano ang mga urine samples na ipinasa sa kanila ng DOH at bahala na ang mga opisyal ng PBA at Phil. Sports Commission (PSC) na mag-anunsiyo nito.
Sa kabila nito, ipinahiwatig ni Mosqueda na ilan sa mga positibo sa drug test ay ang mga Filipino-American.
Una rito, sa unang batch ng mga PBA players na isinalang sa confirmatory drug test ay pito ang kabuuang lumitaw na positibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot na kinabibilangan nina Jun Limpot, ng Ginebra; Davon Harp ng Red Bull; Dorian Peña ng San Miguel; Noli Locsin ng Talk N Text; Ryan Bernardo ng Federal Express at ang Rookie na si Angelo "Long" David.
Nilinaw naman ng opisyal na pawang mga nauna nang lumitaw na positibo sa screen test na ginawa ng DOH ang kanilang iprinoseso sa confirmatory test.
Binanggit pa ni Mosqueda na ang iba pang urine samples ay patuloy pang isinasalang sa kaukulang pagsusuri, gayundin ang anim na iba pang natitira sa unang batch ng 11 players na sinuri kamakailan sa tanggapan. (Ulat ni Joy Cantos)