Hired killer bugbog-sarado sa taumbayan

Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang 53-anyos na lalaki na pinaniniwalaang hired killer matapos na kuyugin ng taumbayan dahil sa bigong pagpatay sa isang bagitong pulis kahapon ng umaga sa Maynila.

Nasa impluwensiya pa ng droga sa WPD-General Assignment Section ang suspect na si Juanito Cortez, may-asawa, welder at residente ng 4th of July, Galas Quezon City.

Batay sa ulat ni SPO4 Cecilio Sacorum, naganap ang tangkang pagpatay kay PO1 Joselito Imperial, 31, dakong alas-8:45 ng umaga sa loob mismo ng tindahan ng biktima sa 2106 Calabash Road, Sampaloc, Maynila.

Sa salaysay ni Imperial, isang putok ang sumablay sa kanya kasabay ng pagtutok ng .38 baril ng suspect sa kanyang harapan.

Ayon sa biktima, dalawang ulit pang kinalabit ng suspect ang baril subalit hindi ito pumutok hanggang sa mag-agawan na sila sa baril.

Dala na rin ng mabilis na kilos ng suspect, nakatakas ito sa biktima subalit agad din namang nakuyog ng taumbayan hanggang sa pagtulungang bugbugin.

Nabatid sa ilang saksi na isang kulay asul na owner-type jeep ang nakitang umaali-aligid sa lugar bago maganap ang bigong pagpatay sa biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments