Kinilala ni Supt. Pedro Ramos, chief ng Malabon Police ang mga sugatang pulis na sina SPO4 Rey Napa; SPO1 Lynbol Casungcad at PO1 Alvarez, pawang nakatalaga sa Malabon Police Precinct 3 na nasa Hito St., Kaunlaran Village sa Brgy. Longos, Malabon City.
Nasa malubhang kalagayan si Napa na tinamaan ng bala sa ulo.
Nakilala naman ang nasawing suspect na si Victor Escaler, 33, ng Kagitingan St., Tondo, Manila. Ito ay base sa nakuhang dokumento sa kanyang bulsa.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi habang ang tatlong biktimang pulis ay nagsasagawa ng routine checkpoint sa may panulukan ng Lapu-Lapu at Pampano Sts.
Pinahinto umano ni Napa ang isang tricycle na minamaneho ni Darwin Sacdalan na doon lulan ang apat na suspect na pawang nakasuot pa ng itim na long-sleeves ng Bantay-Bayan.
Bago pa man tuluyang makalapit si Napa ay pinaputukan na sila ng mga suspect dahilan upang gumanti na rin nang pagpapaputok ang mga tauhan ng pulisya.
Ilang minutong tumagal ang pagpapalitan ng putok sa magkabilang panig hanggang sa tuluyang humandusay si Escaler.
Mabilis namang nagsitakas ang mga kasamahan nito.
Pinaniniwalaang grupo ng mga karnaper ang nakasagupa ng mga pulis na maaaring magsasagawa ng kanilang operasyon ng masita ng mga kagawad ng pulisya. (Ulat ni Jerry Botial)