Sawa natagpuan sa NAIA

Ipinag-utos kahapon ni Manila International Airport Authority general manager Edgardo Manda ang pagsuyod sa lahat ng mga madadamong bahagi ng rampa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) 1 matapos matagpuan ang isang 10-talampakang sawa na pakalat-kalat sa may rampa ng Philippine Airlines.

Ayon kay Chito Esteban, hepe ng Airport Ground Operations Division (AGOD), ang ahas ay natagpuan malapit sa Bay 5 dakong 7:30 kahapon ng umaga.

Sinabi ni Esteban na malamang ang nasabing sawa ay umalis mula sa madamong bahagi ng taxi area bunga ng sunud-sunod na pag-ulan.

Dahil dito ay agad na ipinasuyod ni Manda ang madadamong bahagi sa rampa upang masiguro na wala nang ahas na maaaring naiwan dahil aniya, bagamat hindi nanunuklaw ang sawa, nanlilingkis naman ito at makapapatay din. Lilikha rin ng takot sa mga pasahero ito kung sakaling nakapasok sa eroplano. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments