Baklang guro pinaslang ng lover

Nilasing muna bago pinatay sa saksak ang isang 39-anyos na baklang guro ng kanyang nagselos na lover kahapon ng madaling-araw sa bayan ng Taguig.

Patay na nang matagpuan ang biktima na si Elve Maurillo, binata, ng Purok 13, South Daang Hari, Barangay Bagong Tanyag sa bayang ito, bunga ng tinamong mga saksak sa katawan at ulo.

Mabilis namang tumakas ang suspect na nakilala lamang sa alyas na Arnold Mendoza ng nabanggit na lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Jhun Obico ng Taguig Police, naganap ang insidente dakong ala-1:30 kahapon ng madaling-araw sa loob ng bahay ng mag-lover sa nabanggit na lugar.

Ayon sa saksing si Anna Mae Calingyao, bago naganap ang krimen, nakita niyang nag-iinuman ang dalawa, ilang sandali pa ay nakita naman ni Antonio Caisip, 24, ang nakahandusay nang si Maurillo.

Selos ang isa sa anggulong iniimbestigahan ng pulisya kaugnay sa naganap na pagpaslang sa baklang guro. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments