Ito ang lumabas sa confirmatory testing na isinagawa ng PNP-Crime Laboratory upang alamin kung sinu-sino sa mga iniidolong PBA players ang gumagamit ng droga matapos na pumutok ang kontrobersiya ukol dito.
Una rito, 11 urine samples ang naging positibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa isinagawa namang initial drug testing ng Department of Health at upang malinawan ito ay isinunod naman ang confirmatory testing ng PNP-Crime Lab.
Sa panayam kahapon kay Chief Insp. Julieta de Villa, chemist ng PNP-Crime Lab, sinabi nito na sa 11 player na sinuri, lima ang positibo sa paggamit ng shabu at isa naman ang sa marijuana.
Nabatid na noon pang Marso 14, 2003, nagpasa ang 11 PBA players ng kanilang urine samples subalit ngayon lamang inilabas ang resulta.
Kinilala naman ang mga player na sina Dorian Peña ng San Miguel; Davon Harp, Red Bull, Ryan Bernardo, FedEx; Noli Locsin, Long David ng Talk N Text at Zandro Limpot ng Barangay Ginebra.Pawang coded ang mga urine samples na ipinadala sa kanilang laboratoryo. (Ulat ni Joy Cantos)