Sinabi ni Pampanga Rep. Francis Nepomuceno, awtor ng panukala, may mga kompanyang tumatangging kuhain ang serbisyo ng isang indibidwal kung ito ay mayroong kapansanan.
Dapat na aniyang amyendahan ang Republic Act 7277 o Magna Carta for Disabled Persons upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga may kapansanan na makapagtrabaho sa pribadong sektor.
Sa panukala ni Nepomuceno, sasailalim sa apprenticeship program ang mga disabled person kung saan bibigyan sila ng incentives ng kanilang mga employers.
Lumalabas aniyang inutil ang RA 7277 dahil marami pa ring employers ang tumatanggi sa pagkuha ng serbisyo ng mga may kapansanan kahit mayroon naman silang skills.
Sa ilalim ng House Bill 124, gagawing mandatory sa lahat ng kompanya na ang 3% ng kanilang total workforce ay mga disabled persons.
Bibigyan naman ng tax deduction ang mga kompanyang susunod sa kautusan bilang incentives. (Ulat ni Malou R. Escudero)