Pusher ng droga patay sa pulis

Isang umano’y tulak sa droga ang nabaril at napatay matapos itong manlaban sa mga pulis na aaresto sa kanya sa Taguig.

Sa report na natanggap kahapon ng tanggapan ni Taguig Mayor Sigfrido Tinga, kinilala ang suspect na si Arman Samama, nakatira sa panulukan ng Gumamela at Magsaysay Streets, Zone 6, Brgy. Signal Village ng lungsod na ito.

Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng hapon sa nabanggit na lugar.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis ng Taguig na ang suspect ay kilabot na tulak sa kanilang lugar kung kaya’t nagsagawa ng buy-bust operation.

Nang arestuhin na ang suspect dahil positibo itong nagbebenta ng droga, bigla itong nanlaban sa nabanggit na mga operatiba.

Nagkaroon ng pambuno sa pagitan ng suspect at mga pulis. Papuputukan sana ni Samama ang mga aaresto sa kanya ngunit naunahan siya ng mga ito.

Sa report ng pulisya, kilalang kilabot na tulak ng droga ang naturang suspect at nakumpiska rito ang hindi pa mabatid na gramo ng shabu. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments