2 holdaper arestado

Naaresto ng mga tauhan ng Central Police District ang dalawang holdaper makaraang holdapin ang isang pampasaherong Tamaraw FX kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Kasalukuyang nakakulong ngayon sa Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU) ang mga suspect na nakilalang sina Jay Tebral, 30, cellphone technician, residente ng 30 Pajo St. Proj. 2, Q.C. at Nelson Marasigan, 33, housepainter ng 22 San Pedro St. Manggahan ng nabanggit ding lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Leo Tabuena ng CPD-CIU, dakong alas 10:30 ng gabi nang holdapin ng mga suspect sa tapat ng Ever Gotesco Mall sa Commonwealth Ave. ang mga biktimang sina Jernalyn Guevarra, 21; Ennice Anib, 23, insurance agent; at Wilfredo Ruiz, 24, electrician habang sakay ng FX.

Kinuha ng mga suspect ang cellphone, pera at alahas ng mga biktima habang nakatutok ang mga baril sa biktima.

Matapos na makuha ang mga personal na gamit at pera ng mga biktima, mabilis na tumakas ang mga suspect.

Subalit hindi inakala ng dalawang suspect na mahuhuli sila ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation sa kanilang hide-out sa Commonwealth Ave. matapos na magsumbong ang mga biktima.

Nakuha sa mga suspect ang .38 kalibre ng baril, .22 magnum at anim na bala na ginamit sa panghoholdap. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments