Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, iprinisinta ni Sr. Supt. Allan Purisima, hepe ng Police Anti-Crime Emergency Response (PACER) ang pagkakaaresto sa walong kidnaper sa serye ng operasyon sa Maynila na kinabibilangan ni Carlito Ugat, alyas Kapitan, isang retiradong tinyente ng PNP na itinuturong utak ng pagdukot sa biktimang si Benilda Ho.
Nadakip din ang iba pang kasamahan nito na sina Eliseo Villarino, dating pulis ng San Isidro, Leyte; Roger Chua alyas Toto, Amelito Billones, John Galicia at Roger Demetilla, pawang tubong Iloilo; Napoleon Portugal, ng Sto. Niño, Cagayan at Leo Geneo alyas Badong ng Northern Samar.
Si Ho ay nailigtas sa pinagsanib na puwersa ng PACER, Central Police District (CPD), Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippine (ISAFP) at AFP Anti-Crime Task Force sa isinagawang raid dakong alas-5 ng umaga sa safehouse ng mga suspect sa #71 K-18th St. East Kamias, Q.C.
Unang nalambat si Ugat sa QC habang ang iba pang mga suspect ay nadakip sa isinagawang follow-up operations sa No. 12 Camachile St. Doña Josefa Village, Almanza 1, Las Piñas City at sa Nayong Pilipino sa Pasay City.
Nabatid kay Purisima na hindi pa rin pinalaya ng mga suspect si Ho sa kabila ng pagbabayad nito ng P224,500 na ransom at sa halip ay muling humihingi ng P1-M ransom mula sa orihinal na P50-M na demand ng mga ito.
Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa iba pang suspect na nakatakas. (Ulat ni Joy Cantos)