4 sugatan sa pillbox

Apat katao ang malubhang nasugatan habang nawasak naman ang limang sasakyan na nakaparada matapos na hagisan ng isang home-made pillbox ang isang videoke bar kahapon ng madaling- araw sa Quezon City.

Ang mga biktima na pawang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ay nakilalang sina Teresito Declines, 62; Alfred Yanes, 42; Ramir Pereras, 41, at isang di pa nakikilalang biktima. Ang mga ito ay pawang mga residente ng #14 15th Ave. Murphy, Cubao, ng nabanggit ding lungsod. Ang mga ito ay dinala sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC).

Batay sa imbestigasyon ni SPO4 Rodrigo Javier ng CPD-Cubao Station, naganap ang insidente dakong ala-1:15 ng madaling- araw sa Cubao nang biglang dumaan ang isang Honda Civic na silver-gray at maghagis ng pillbox na noo’y papalabas na ang mga biktima.

Nawasak naman ang mga sasakyan na kinabibilangan ng Nissan Pick- up, Mazda 323, Mitsubishi Lancer at dalawang owner- type jeep.

Pinabulaanan naman ng mga awtoridad na terorista ang may gawa ng pagsabog bagama’t nakarekober ng ilang metal shrapnel. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments