Sa ulat ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU) na dakong alas-5 ng madaling araw nang unang makita ng mga basurero ang isang putol na katawan kasama ang dalawang putol na kamay na nakalagay sa nabanggit na kahon sa tapat ng Lungsod ng Kabataan sa Agham Road sa Quezon Avenue.
Ayon sa mga basurero kasalukuyan umanong naghahakot sila ng mga basura ng maispatan ang kahon at dahil sa labis na bigat nito ay inusisa nila ang laman.
Dito tumambad sa kanila ang putol na katawan na may malaking placard sa ibabaw na nagsasabing "huwag ninyo akong tularan, shabu user ako, pusher ako....vigilantes".
Matapos ang ilang minuto ay magkakasunod ding natagpuan sa Scout Madrian St., South Triangle ang dalawang kaliwang paa, samantalang ang dalawang ulo ay natagpuan sa Talayan Creek sa kahabaan ng Araneta Avenue.
Ang isa pang putol na katawan ay natagpuan sa Barangay Rodriguez, Cubao, samantalang dalawang paa pa sa Payatas Dumpsite.
Kasalukuyang pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang dalawang kamay na bahagi din ng mga natagpuang putol na katawan.
Noong buwan ng Enero ay umaabot sa anim na katao ang misteryosong pinaslang kabilang ang ilang insidente ng chop-chop sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City at nasundan pa noong buwan ng Pebrero.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon para kilalanin ang natagpuang biktima ng chop-chop. (Ulat ni Doris Franche)