Ito ang sinabi kahapon ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon kaugnay sa pinakahuling insidente kung saan nahulog ang isang lalaki sa Manila Water Co. ventilation chamber.
Ang biktima na kinilalang si Randy Diaz, residente ng Escopa 3 Bliss, Quezon City ay napaulat na nahulog sa tangke ng tubig ng Manila Water Co. habang nangunguha ng mangga at santol sa #115 Bignay St., Brgy. Quirino, ng nabanggit na lungsod.
Ayon kay Biazon, lumalabas na napakadaling masabotahe ang supply ng tubig sa Metro Manila dahil na rin sa ganitong mga insidente.
Kung isang ordinaryong residente umano na malapit sa Manila Water Co. ay madaling nakaakyat sa dalawang metrong high concrete chamber ay lalong madali itong maisagawa ng isang terorista na maaaring maglagay ng mga mapinsalang kemikal sa water supply.
Ayon sa Manila Water Co., tinaasan na nila ang dosage ng chlorine sa Balara treatment facility upang masiguro na ligtas ang tubig na ipamamahagi sa mga water consumers.
Gayunman, iginiit ng mambabatas na dapat na ipatupad ang mahigpit na seguridad sa mga pinagkukunan ng tubig upang hindi maulit ang ganitong mga insidente. (Ulat ni Malou Escudero)