Sasampahan ng kasong indiscriminate firing si Mohamad Omar Fajardo, dating sectoral representative ng mga OFW at naninirahan sa Vista Verde, Cainta Rizal. Nasa kustudya ito ngayon ng pulisya at isasailalim sa paraffin test.
Ayon sa imbestigasyon ni PO2 Arnel Noriega, may hawak ng kaso na naganap ang insidente dakong alas- 10 ng gabi sa panulukan ng EDSA Avenue at Estrella St. ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na sakay ang dating mambabatas ng kanyang Mercedez Van MB100 na may plakang UMK-153 at minamaneho ng driver nitong si Randy Alaghay.
Habang binabagtas nila ang naturang lugar, nabangga sila ng isang humaharurot na Quezon Liner Bus na minamaneho naman ni Severino Tornado.
Dahil sa insidenteng ito, nairita ang dating congressman at kinuha nito ang kanyang 9mm pistol hanggang sa nagpaputok ng apat na beses at ang tinamaan ay ang naturang bus.
Sa tindi ng takot ni Tornado at ng konduktor nito tumakbo ang mga ito at inabandona ang kanilang sasakyan hanggang sa hinabol sila ng naturang mambabatas at ang habulan ay umabot sa BLTB Terminal sa Pasay City.
Sinabi ni Fajardo sa pulisya na binangga ni Tornado ang kanyang sasakyan na naging dahilan ng kanyang pagkairita at pagpapaputok ng baril.
Ngunit dahil sa ginawa ni Fajardo siya ang sasampahan ng kaukulang kaso, samantalang si Tornado naman ay hindi pa sumisipot sa himpilan ng pulisya. Pansamantalang palalayain ang dating mambabatas.(Ulat ni Lordeth Bonilla)