Sa panayam kahapon kay Art Dimayuga, tagapag-salita ng NBP nakilala ang nag-amok na preso na si Sergio Canete, may hatol na habambuhay na pagkabilanggo sa kasong rape with parricide. Agad itong nasawi sa pinangyarihan ng krimen makaraang tuluyang barilin ng mga prison guard nang hindi mapigil ang pagwawala nito.
Samantala, patay na nang idating sa NBP Hospital ang isa pang preso na si Pedrito Atilao, na nagtamo ng maraming saksak sa katawan buhat sa nagwawala nitong kasamahang preso na si Canete.
Sugatan din ang pito pang bilanggo na nakilalang si Pedrito Arquillano; Hernadi Mabitag; Felix Pitogo; Ernesto Callo; Felipe Siyao; Berto Iran at Gonzalo Antanao na nagtamo rin ng mga saksak sa katawan.
Ayon sa ulat na isinumite ni Supt. Francisco Abonales sa tanggapan ni DOJ naganap ang insidente dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi sa grupo ng Genuine Ilocano (GI) sa selda 13-C.
Napag-alaman na naaburido si Canete dahil sa hindi nito makayanang personal na problema at dahil na sobrang pangungulila nito sa kanyang pamilya.
Isang improvised jungle bolo ang kinuha ni Canete at saka sinalakay ang mga kasamahan nitong preso. Grabeng saksak ang tinamo ni Atilao na naging dahilan ng kamatayan nito.
Hindi maawat ng mga prison guard ang pagwawala ni Canete kung kaya napilitan na silang patamaan ito dahil marami na ang nasugatan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang insidente. (Ulat ni Lordeth Bonilla)