Ginagamot ngayon sa Chinese General Hospital ang biktima na nakilalang si PO1 Oliver Cancho, 32, ng 226 Taraville St. Sta. Lucia, Novaliches,Q.C. at nakatalaga sa CPD-Galas Station matapos na magtamo ng tama ng baril sa dibdib at tiyan.
Kasalukuyan namang nakapiit sa CPD-Galas Station ang suspect na si PO1 Jovanni Tabirao, 25, binata ng 29 P. Florentino St. Brgy. Sto. Domingo, Q.C. at nakatalaga sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) habang inihahanda ang kasong isasampa dito,
Batay sa inisyal na ulat ni PO2 Jun Fabre ng CPD-CIU, dakong alas 2 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa tapat ng Shell Gasoline Station sa may Araneta Ave. ng naturan ding lungsod.
Napadaan sa lugar si Cancho lulan ng kanyang sasakyan nang mamataan si Tabirao na hinahabol ang dalawang hindi kilalang lalaki.
Lumapit ang dalawang lalaki kay Cancho na sinundan naman ni Tabirao hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo at barilin ng huli ang una.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad kung kayat nadakip si Tabirao habang nagawa namang makatakas ng dalawang lalaki na pinaniniwalaang mga drug pusher.
Sinabi ni Tabirao na matagal na niyang minamanmanan ang dalawang lalaki dahil na rin sa mga impormasyon na nagtutulak ng droga ang mga ito. (Ulat ni Doris Fanche)