Dinukot na Koreano pinalaya

Pinalaya na ng kanyang mga abductors ang 35-anyos na Korean national na dinukot sa loob ng kanyang tahanan noong Martes ng pinaniniwalaang mga miyembro ng kidnap for ransom syndicate matapos na umano’y magbayad ng isang milyong ransom.

Kaugnay nito, kinumpirma kahapon ni Supt. Valdemor Beltran na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang biktima na si Bong Joe Ko, night club operator at residente ng Chow Queen Building, Barangay Sipac, Navotas dakong alas-4 ng hapon kamakalawa.

Si Ko ay dinukot ng mga armadong kalalakihan noong Martes ng gabi sa pagitan ng alas-10:30 hanggang alas- 11 ng gabi matapos na limasin pa ng mga suspect ang kanyang mga alahas at pera.

Base sa impormasyon, matapos umanong makapagbayad ng P1 milyon ang pamilya ng biktima ay kusang iniwanan itong nag-iisa sa isang lugar sa Quezon City.

Agad na sumakay ng taxi ang biktima at tinungo ang Navotas police station at iniulat ang buong pangyayari. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments