3 abortionist huli sa akto

Dinakip ng mga tauhan ng Caloocan City police ang tatlong abortionist matapos na lusubin ng mga ito ang kanilang pinagkukutaang klinika sa nabanggit na lungsod, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang mga suspect na sina Leticia Roxas, 63; Natividad Santos, 58, at Jose Jordan, 25, pawang nanunuluyan sa 143 P. Zamora St., Caloocan City.

Nadakip ang mga suspect dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa sa aktong nag-aabort ng isang pasyente.

Agad namang dinala ng pulisya sa Ospital ng Caloocan ang dinudugo pang pasyente upang malapatan ng kaukulang lunas at maisailalim sa pagsusuri ng mga manggagamot, samantalang dinala naman sa SOCO ng NPD ang fetus na inalis sa sinapupunan ng pasyente.

Sa ulat ng pulisya, ilang reklamo at impormasyon ang kanilang natanggap sa ilang residente sa lugar tungkol sa operasyon ng nasabing mga abortionist kung saan ay ilang linggo rin umano silang nagsagawa ng surveillance sa pinagkukutaang klinika ng mga ito.

Kamakalawa ay isinagawa ang operasyon at nahuli pa nga sa aktong nag-aabort ang mga ito. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments