Pangongolekta ng PTA ibinalik ng DepEd

Pinayagan na rin ng Department of Education (DepEd) ang Parent-Teachers Association (PTA) na makapangolekta muli ng mga kontribusyon sa kanilang mga miyembro matapos na ipagbawal ito ni dating DepEd secretary Raul Roco noong nakaraang taon.

Sa nirebisang patakaran para sa PTA, sinabi ni DepEd Secretary Edilberto de Jesus na nakita niya ang malaking pangangailangan para makapangolekta ng kontribusyon upang maipagpatuloy ang operasyon, maiimplementa ang mga programa at proyekto.

Kasabay nito, tiniyak naman ni de Jesus na hindi nila pahihintulutan na magsamantala ang mga opisyal sa pangongolekta ng mga kontribusyon.

"It shall be made on a voluntary basis. Non-payment of such contribution shall not be a basis for non-admission and non-issuance of clearance by the school concerned," paglilinaw ni de Jesus.

Ayon kay de Jesus, hindi pahihintulutan ang mga guro na masangkot sa pangongolekta ng mga pondo kung saan isang beses lang ang isasagawang koleksiyon kada taon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments