Nakilala ang mga nadakip na sina Alvin Alamada, 27; Redempta Alamada, 45; Dalia Alamada, 33, pawang mga residente ng Basilan St., Tandang Sora, QC.
Kasama nilang naaresto sina Jesus Francisco, 33; Ricardo Agustin 44; at Ricky delos Santos, 28, pawang residente ng San Bartolome, Novaliches City.
Sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nasakote ang mga suspect sa isinagawang buy-bust operation dakong alas-6:30 ng gabi sa harap ng United Coconut Planters Bank sa may Mindanao Ave. ng naturang lungsod.
Nabatid na matagal nang nasa surveillance ng mga awtoridad ang naturang grupo dahil sa malawakang operasyon ng pagrarasyon ng mga ito ng droga sa lungsod.
Hinihinalang miyembro ang mga suspect ng isang malaking sindikato na isa sa mga pinakamalaking supplier ng droga sa Metro Manila.
Isa sa mga operatiba ang nakipag-ugnayan sa naturang grupo sa pagbili ng droga kung saan itinakda ang bentahan. Hindi na nakatakas ang anim na suspect nang masukol sila ng mga operatiba matapos na iabot ang droga sa isa sa mga ahente.
Nakumpiska sa mga suspect ang may 50 gramo ng hinihinalang shabu at ang kulay violet na Tamaraw FX (PBP-479) na gamit nila sa kanilang operasyon.
Kasalukuyang nakadetine ngayon ang mga suspect sa PDEA detention cell sa Camp Crame at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Anti-Drug Law. (Ulat ni Danilo Garcia)