Fil-Chinese national tinambangan, patay

Isang Fil-Chinese national ang iniulat na nasawi matapos itong tambangan at pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin, kahapon ng umaga sa Pasay City.

Patay na nang idating sa Ospital ng Maynila ang biktima na nakilalang si Giovanni Ong, 35, ng 126 Balagtas St., ng nabanggit na lungsod bunga ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Kaagad namang tumakas ang di pa nakikilalang suspect matapos ang isinagawang pamamaril.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Pasay City Police naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga sa panulukan ng Goquiology at Salud Sts. sa Pasay City.

Nabatid na naglalakad ang biktima sa nabanggit na lugar at hindi nito namalayan ang paglapit ng suspect na walang sabi-sabing bumaril dito.

Patuloy pa ang isinasagawang pagsisiyasat sa kaso, gayundin din inaalam pa kung ano ang maaaring motibo sa pagpaslang sa biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments