Nagbigay ng kanyang pahayag ang biktima na si Erwin Alampay, 32, at naninirahan sa 1 Upsilon Drive Alpha Village, Diliman, Quezon City.
Ayon kay Alampay Marso 20, 2003 dakong alas-3 ng hapon nang maganap ang panloloob sa kanila ng grupo. Iginapos umano silang lahat sa bahay at saka kinulimbat ng mga suspect ang kanilang pera, alahas at kagamitan.
Ipinagtapat pa nito na namasukan sa kanila bilang katulong si Janet Pitulan noong nakalipas na Setyembre 2002 at umalis noon lamang Marso 22, 2003 dalawang araw makaraang maganap ang panloloob sa kanilang bahay.
Napag-alaman din ni Alampay na si Janet ang asawa ni Sergs Pitulan, isa sa nasawi sa naganap na QC shootout.
Nang maglabasan lamang sa telebisyon at pahayagan ang mga mukha at pangalan ng limang mga nasawi ay saka lamang niya nakilala si Sergs at pinatunayan nitong isa nga ito sa nanloob sa kanilang bahay.
Ang madugong shootout ay naganap noong Linggo sa may Project 8, Quezon City na dito nasawi ang magkakapatid na Pitulan na sina Sergs, Eufemio, Edward, Felomino at ang kaibigang si Augusto Torres.
Nasawi rin sa insidente ang pulis na si PO1 Aldie Monterozo. (Ulat ni Angie dela Cruz)