Kinilala ni WPD Director P/Chief Supt. Pedro Bulaong ang mga naarestong miyembro ng Revo Gang na sina Marcial Orel, 30, at kapatid nitong si Bernabe, 28; pawang residente ng Muzon, San Jose del Monte, Bulacan at Maribel Manito, 38, ng #2034 Adriatico St., Malate, Maynila.
Ang tatlo ay itinuro ni Florendo Melanio, ang kasamahan ng mga suspect na naunang nadakip ng mga awtoridad.
Nabatid na ang grupo ay responsable sa panghoholdap sa mga Revo taxi sa Metro Manila.
Ayon kay Bulaong, nadakip ang magkapatid na Orel sa kanilang hideout sa Araneta Village sa Potrero, Malabon bandang alas-8:30 ng umaga kahapon habang nadakip naman si Manito sa tahanan nito sa Maynila.
Kabilang sa mga naging biktima ng nasabing grupo ay ang lady reporter na si Grace Vergel ng RMN na hinoldap nitong nakalipas na Abril 16 sa Sta. Cruz, Maynila.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga naarestong suspect. (Ulat ni Rudy Andal)