Hindi na umabot pang buhay sa PNP General Hospital ang biktimang si Cesar Sardea, utility personnel ng CIDG matapos na magtamo ng saksak sa likod at sa dibdib.
Hawak naman ngayon ng mga operatiba ang suspect na si Diomedes Almerines, alyas Bong, 38, utility man naman ng Anti-Transnational Crimes Division.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na naganap ang krimen dakong alas-8 kahapon ng umaga sa ikatlong palapag ng gusali ng CIDG. Nabatid na patungo sa kanyang locker sa likod ng ADO office ang biktima nang patraydor na saksakin sa likuran ng suspect.
Nakahingi pa naman ito ng saklolo sa mga empleyado na siyang nagsugod sa kanya sa pagamutan, habang inaresto naman ng mga pulis ang suspect na hawak pa ang patalim na ginamit sa pamamaslang.
Sa panayam sa suspect, sinabi nito na natutulog umano siya nang bigla na lamang paluin siya ng biktima kung kaya nagawa naman niyang saksakin ito.
Duda naman ang mga pulis sa pahayag ng suspect dahil sa wala naman itong tama sa ulo at pabagu-bago ang mga sinasabi.
Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang pangyayari. (Ulat ni Danilo Garcia)