Anak ni Jawo nanutok ng baril

Matapos makalusot sa kasong pagpapaputok ng baril nasangkot na naman sa panibagong kontrobersiya ang anak ni Senator Robert Jaworski na si Ryan Joseph Jaworski makaraang ireklamo na naman kahapon ng panunutok ng baril sa isang insurance broker, kamakalawa ng madaling-araw sa Quezon City.

Base sa ulat na nakarating kay CPD director Senior Supt. Napoleon Castro nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Angelo Antonio, 27, may-asawa, ng Ritz Tower, Ayala Avenue, Makati City at inireklamo ng kasong grave threat si Ryan Jaworski ng Mansala St., Corinthian Garden, Quezon City.

Ayon sa ulat ni SPO1 Conrado Lim, may hawak ng kaso na naganap ang insidente dakong alas-3 ng madaling-araw sa tapat mismo ng tahanan ng suspect.

Lumilitaw sa rekord, nabatid na ang suspect at ang biktima ay matagal nang magkaibigan simula pa noong mga bata pa ito at dating magkapitbahay sa nabanggit na lugar sa Corinthian Garden.

Dahil dito, nagtungo umano ang biktima sa tahanan ng batang Jaworski upang magpatulong sa kanilang problema.

Hindi naman malinaw kung ano ang problemang binabanggit ng biktima na pinaniniwalaan naman tungkol sa babae.

Hindi umano pinapasok ang biktima at laking gulat pa nito nang lumabas ang suspect na may bitbit na M16 armalite rifle na itinutok sa kanya.

Naawat lamang ang suspect nang magsidating ang mga guwardiya sa naturang village. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments