Sa reklamo ni Charito Pedersen ng Ipil St. Phase 2, United Parañaque, Subdivision, Parañaque City, sinabi nito na niloko siya ng Metro Pacific Corporation at lumabag ito sa kanilang kontrata makaraang bumili siya noong 1999 ng isang unit ng condominium sa Pacific Towers sa Global City Fort Bonifacio. Ito ay pagmamay-ari ng Metro Pacific Tower.
Ayon kay Pedersen, bago pa man siya umalis ng Pilipinas ay binili na niya ang unit na may apat na kuwarto base na rin sa modelo ng kompanya at binayaran na niya ito ng mahigit na P4 na milyon hindi pa man naitatayo.
Subalit laking gulat ni Pedersen nang makita sa kanyang pagbalik na tatlong kuwarto lamang ito.
Kinuwestiyon nila ang Metro Pacific hinggil dito, subalit hindi umano sila pinansin ng ilang mga tauhan nito.
Iginiit pa ng ginang na malaki na ang kanilang nagastos dahil mula Norway ay umuuwi pa sila ng Pilipinas upang personal na asikasuhin ang nasabing problema. (Ulat ni Lordeth Bonilla)